Sabado, Setyembre 16, 2017

KAILAN MALI ANG PAG-IBIG?

akda ni Rolando Quiros Mallari, MD
©Mallari,RQ 2017

Pahayag: Ang kuwentong ito ay pawang kathang isip lamang. Kung pagkakatulad sa tunay na buhay, tiyempo, tao o lugar , ito ay nagkataon lamang. Ang mga larawang gamit ay hindi po pag-aari ng may-akda. Inilagay lang po siya upang mabigyan ng pagsulong ang kuwento. Ito po ay nasa sketch form. Kung pag-aari po ninyo ito at hindi ko puwedeng gamitin, pakisulatan lang po ang may akda upang aming alisin. Maraming salamat po.


I




Nasa Trinity Church Cemetery siya ngayon sa New York. Ikatlong taon ng pagkamatay ng civilian partner ni Lucille na si Dr. Richard Smith. Nag-alay siya ng mga bulaklak at nagsindi ng kandila bilang alaala para sa namatay. Hindi-hindi niya makakalimutan si Richard. Napakalaking bahagi ang ginalawan nito sa buhay niya. Sampung taon na ang nakalipas at kagagaling niya ng Pilipinas. Siya ay bagong pasok lang sa New York City |Hospital para magpakadalubhasa sa Emergency Medicine. Napansin niyang kakaiba ang iniuukol na pansin ng dalubhasang plastic surgeon sa kanya. Alam niya kung ano ang ibig sabihin ng mga tingin na yun. Bagamat mahinhin siyang kumilos sa karaniwang lalake, hindi siya katulad ng mga ibang baklang magaslaw at maharot. Ang tawag sa kanya ay Paulie mula sa pangalan kong Jose Paulo Manansala Silvestre. Tubong Pampanga ang mga magulang niya subalit lumaki siya sa La Union dahil ang kabuhayang naitayo ng kanyang ama ay naroroon. Minsan ay inimbitahan siya ni Dr. Smith na lumabas sa gabi. Kumain sila sa isang restaurant at doon niya nalaman na ang gusto pala ng doctor ay lalake ring tulad niya. Ang laking pagkamangha niya noong siya ang tukuyin ng sikat na doctor na gusto niyang maging katuwang sa buhay.

Bago sa pandinig ni Paulie ang ganoong kalakaran ngunit hindi na bago sa kanya ang pakikipagrelasyon sa lalake. Pinanggalingan na niya iyon at isa itong mapait na bahagi ng kanyang buhay. Nakita niya ang laki ng pagkakaiba ng relasyong gay sa Amerika. Kung itinago niya sa dibdib niya ang saya at pait ang nakalipas niyang relasyon, dito sa Amerika deretsahan siyang sinabihan ng ganoong damdamin. 

Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Tinanggap niya ang alok ng butihing doktor na may limang taon ang agwat sa kanya. Nagsama silang bilang mag-asawa at matiwasay naman ito. Siya ang babae sa relasyon nila. Nang malapit na siyang magtapos sa pagkakadalubhasa, masinsinan siyang kinausap nito. Tinanong siya kung gusto ba niyang ganap na babae? 

Hindi makapaniwala si Paulie. Mula pagkabata ang turing niya sa sarili ay babae. Hindi lamang niya magawa ang magdamit at umaktong babae sa harapan ng mga tao dahil ayaw niyang bigyan ng kahihiyan ang kanyang mga magulang. Paminsan-minsan siya'y sumasali sa Miss Gay Beauty Pageants. Dati rati tago ang mga ganitong pageants. Sa loob ng mga mamahaling hotel ito ginaganap. Pero ngayon, hanggang sa kaliit-liitang barangay ng Pilipinas mapapanood ito.  Hindi niya alam kung sapat ba ang mg ito para siya'y maging isang transexual. Ginabayan naman siya ni Richard. Nagsimula siya sa psychological counseling, tapos naghormonal treatment at sumailalim pa siya sa ibang malalimang psychiatric support. Akala siguro ng mga tao ang pagpalit ng kasarian ay basta basta lamang.  Ang operasyon ay isa lamang bahagi ng proseso. Mas higit pa ang suportang pangsikolohiya dahil pag naoperahan ka na, hindi mo na mababago pang muli. Marami siyang pagdududa ngunit sa bawat pagdaanan niya lumalakas at nagiging maigting ang damdaming nakapaloob sa kanya na ito na ang panahon upang magpalit ng kasarian. 

Tagumpay ang operasyon niya. Para siyang obra maestra na nilililok ng isang iskultor hanggang naging perpekto. At talaga nga naman, ano pa ang hahanapin niya? Mayroon siyang asawa na plastic surgeon na walang ninais ang kabutihan niya. Sa ngayon,  isa na siyang magandang dilag -matangkad, balangkinitan, mahaba ang buhok at nagmamay-ari ng kutis na mala-porselana. Iisa na lang ang sagabal sa pagiging babae niya - ang legalidad nito. Nagpetition sila sa korte at kinatigan naman sila. Noong lumabas ang court order, ipinanganak si Lucille, kapalit ni Jose Paulo Manansala Silvestre. Siya na ngayon si Lucila Paula Silvestre-Smith, ang asawa ng batikang plastic surgeon. 

Akala ni Lucille sadyang kaligayahan na lahat sa piling ni Richard. Sa ika-limang taon ng pagsasama nila dinapuan ito ng malubhang karamdaman - isang klase ng kanser na wala pang nakikitang gamot. Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Lucille. Walang araw na punong-puno siya ng hinagpis. Iniwanan siya ng butihing siruhano ng kanyang kayamanan at bahay at mga alaala ng kanilang pag-iibigan. Isang pag-iibigan na nagkaroon ng puwang sa isang makabago at progresibong bansa. 

Pinahid ni Lucille ang mga luhang tumulo sa kanyang mga mata. Naglakad siya sa pinagparadahan ng kanyang sasakyan at nilisan niya ang sementeryo kung saan nakalagak ang kaniyang pangalawang pag-ibig. Sa ilalim ng puno na malapit sa puntod ni Richard, mayroong lalaking nagmamasid kay Lucille. 

II



Maaga siyang nasa airport. Kailangan niyang umuwi at may sakit ang kanyang ama. Sa sampung taon niyang hindi pag-uwi, alam niyang marami na ang nagbago. Pati siya, marami ng nagbago. Uuwi at hihingi siya ng tawad sa kanyang ama. Sana man lang bago ito mamatay ay maibigay niya ang pagpapatawad at pagtanggap sa isang anak na tulad niya. Dagdag pa rito may imbitasyon siya sa mga class officers ng klase nila upang dumalo sa Class Reunion. Hindi siya sigurado kung siya ay dadalo ngunit naroroon rin lang siya, tatawagan niya ang mga malalapit niyang mga kaibigan at papakiramdaman niya kung kaya niyang dumalo bilang si Lucille.

Sarado pa ang check-in counter ng Philippine Airlines. Sabi sa advisory, dalawang oras bago lumipad saka ito magbubukas. Naghahanap siya ng mauupuan pero wala siyang makita. Tumayo na lang siya sa tabi ng mga upuang mayroon ng nakaupo. Baka sakaling may umalis at siya naman ang makaupo. Pansinin si Lucille. Paano ba naman isang perpektong kagandahan ang ginawa ni Dr. Smith. Sa araw na yun, naka-tube blouse siya na pinatungan ng bolero at nakapantalon siya ng stretch na kumapit sa hubog niya. Dinagdagan pa niya ng sapatos na boot heels. Ang tingin sa kanya'y para siyang isang diyosa bumaba sa langit. Lahat ay napapalingon at muli pang napapalingon. Sanay na siya sa mga pangyayaring ganoon at hindi na niya pinapansin ang mga ito. At mukha namang minamalas siya, wala siyang makitang upuan na nababakante. Ngayon hindi na siya mapakali. Mayroong grupo ng mga madre na nakatingin sa kanya na para bang sinasabi sa kanya na hindi angkop ang suot niya. Kinuha niya ang mga bag niya na ichechek-in at nagdesisyon siyang lumipat ng lugar noong napansin niyang mayroong papalapit na lalake at nakangiti pa ito sa kanya. 

Kilala niya ito. Alangan namang hindi niya kilala itong lalaking ito. Siyam na taon niyang nakasama ito. Apat na taon sa kolehiyo at limang taon sa pag-aaral ng medisina. Ang lalaki ay si Alex. Matangkad rin ito, maganda ang tindig at may taglay na kaguwapuhan. At kinausap nga siya nito. 

Alex: Hi! I saw your ticket for PAL coming out in between your passport , I was just wondering what time will the check-in counters will open. 

Lucille: I was told it is going to open at 7 pm. 

Hindi na nagtaka si Lucille kung bakit hindi siya nakilala nito. Isinaloob na lang ni Lucille ang kanyang nararamdaman at ubod gandang ngiti ang kanyang ibinalik sa nagpasalamat na si Alex. Hindi naman na siya inistorbo ni Alex hanggang nagbukas ang check-in counters at naka-check-in na sila. Dahil naka-first class siya dinala muna sila sa First Class Lounge habang hinihintay nila ang eroplano. At doon nakita niya uli si Alex. Hinintay muna ni Alex na makakuha ng pagkain si Lucille at ng nakaupo na ito lumipat siya sa lamesa niya. Nagsimula ng usapan si Alex at pinaunlakan naman niya ito. Tulad din ng kanyang ama, maraming taon na hindi niya nakita si Alex at ang huling balita ay naging asawa niya ang isa rin nilang kaklase. Maliban doon wala na siyang balita. Binayaan niya itong magkuwento ng magkuwento hanggang sa narinig na nila na kailangan na sila sa boarding area. Nginitian niya ito at nagpasalamat at sabay rin silang naglakad papunta roon. Noong pumasok na sila sa loob ng eroplano, nagulat siya at magkatabi pala sila ng lugar. Napailing na lang siya sa sarili dahil parang sinasadya naman ang pagkakataon. 

Noong nakaupo na siya tinawag niya ang flight attendant na i-serve siya ng drinking water at juice. Tinanong na rin niya kung ano ang idudulog na pagkain para masabi na niya at hindi siya iistorbohin maliban na lang kung sila ay pakakainin na. Pinili niya yung fried boneless bangus. Nag- ayos siya sa kanyang upuan at kinuha yung pantakip sa mata at humiga. Dinala siya ng isip niya sa nakalipas. 

Paano nga ba niya nakilala si Alex? Ah, si Alex na sikat sa campus. Hindi man sila magkablock section ay nakilala niya ito noong kumuha sila ng advance placement examination. Ano ba ang advance placement na ito? Ito ay isang daan kung saan ang mag-aaral ay hindi na kukuhanin ang basic subject kung maipapasa nila ang final examination ng nakaraang semestre. Kasama niyang kumuha ito ng pagsusulit sa English at Math. Dahil naipasa nila ang examination ng mga ito, sila ay pinayagang kunin ang higher subjects. Dito sila naging magkaklase ni Alex. Matalino si Alex. Palakaibigan pa. Naging kaibigan niya ang mga pumasa sa advance placement sa batch niya. Lima sila noon at si Alex ang nakakahigit sa lahat. Si Lucille ay napasama sa grupo ngunit sinadya niyang ilayo ang sarili niya. Si Alex naman ay nagtataka at pilit inilalapit nito ang sarili sa kanya. Disyembre noon, nagulat na lang si Lucille noong sinabi ni Alex na imbitahin naman niya sila sa kapistahan nila. Nagulat siya bakit alam ni Alex ito. Tumawag siya sa mga magulang niya kung puwede siyang magdala ng nga kaibigan sa kapistahan. Sumang-ayon naman ang mga ito at nagdala siya ng sampung kaklase. Ipinakita ni Lucille kung papaano ang pistahan sa kanila. Nagbahay-bahay silang nakipamiyesta at nabundat sa dami ng pagkain. Sobrang saya nila. Inihanda ng magulang niya ang beach house nila para sa kanila. Isang masayang gabi ng kantahan, biruan at tawanan sa tabi ng bonefire ang nangyari at habang lumalalim ang gabi unti-unting nagsipagpaalam ang grupo hanggang si Alex at siya na lamang naiwan. Tinanong niya ito kung bakit ayaw pa niyang matulog. 

Lucille: Hindi ka pa ba matutulog? 

Alex: Hindi pa. Masyadong maginaw sa loob. Buti pa rito mainit ang bonefire. 

Lucille: Nakakahiyang iwanan ka dito. Baka lapain ka pa ng aswang dito. 

Alex: Aswang? Baka sila pa lapain ko.  Hahahaha

Nakisama siyang tumawa kay Alex. Tuloy pa ring umiinom ng beer si Alex. Tiningnan ni Lucille ang kanyang relo, mag-aalas tres na! Tatayo na sana siya at babalik na siya sa cottage. Hinawakan ni Alex ang kanyang kamay. Nagsalubong ang kanilang mga mata. Inilapit ni Alex ang mukha niya sa mukha ni Lucille at sila ay naghalikan. Umabot sa hindi nila inaasahang pangyayari. Ito ang unang pagkalublob ni Lucille sa kamunduhan at nagustuhan niya ito. 

 III


Parang walang nangyari sa kanila kinaumagahan. Nagsipagbalikan sila ng kanilang paaralan sa kolehiyo na masasaya. Tuloy ang ikot ng mundo wika nga. Ang nangyari sa kanila ni Alex ay parang hudyat ng isang relasyon. Magmula noon lahat ng lakad ni Alex ay kasama niya si Lucille. Naroong magmountain climbing sila at sa ituktok ng bundok doon nila ilalabas ang nakapiit na init ng kanilang mga katawan at magdadaop ang mga ito upang sila'y maging iisa na lamang. Naging masyadong malapit sa isa't isa si Alex at Lucille at ang mga magulang nila ay tanggap ang pagkakaibigan nilang nabuo. Natutulog na ang bawat isa sa mga bahay nila na walang kaakibat na pag-aalala sa kanila. 

Nagtapos silang me karangalan. Sa mga nagtapos mayroon isang Magna Cum Laude at limang Cum Laude. Si Alex ang pinakamataas sa lima at nagbigay ng talumpati dahil iyong Magna Cum Laude ay isang Koreana na magaling man sa panulat na Ingles ay nahihirapan namang magsalita sa banyagang lenggwahe. Natanggap silang pareho sa College of Medicine. Wala sa pangarap ni Lucille na maging doktor ngunit dahil ito ang kagustuhan ni Alex pumayag na rin siya. Ang mundo ni Lucille noon ay si Alex lamang at tuwang-tuwa naman ang lalake dahil hawak niya sa palad niya ito. 

Ngunit nagbago ang lahat noong nasa unang taon nila sa medisina. Napansin ni Lucille na hindi na niya nakakasama si Alex sa mga lakaran at pag natapos na ang klase nila ay mabilis pa sa alas-kuwatro nawawala. Nabahala ang Lucille at nalaman niya na pumasok daw si Alex sa isang samahan na nagpapanukala na sundan ang dinanaang buhay ni Kristo. Unti-unting lumayo si Alex sa kanya at pinilit niya itong kausapin ngunit sa pag-uusap nila lalong natuldukan ang relasyon nila. Sinabi ni Alex na ang relasyong ito ay bawal, makasalanan at walang patutunguhan. Sinabi pa ni Alex sa kanya na puwede silang maging magkaibigan ngunit ang problema niya ay sarili niya. Siya ay marupok at  baka hindi niya kayahin ang mga pagsubok ng demonyo sa kanya. Laking gulat ni Lucille na ang tingin ni Alex sa kanya ay instrumento ng demonyo para sa kanya. Sa araw ding yaon, tinapos na ni Lucille ang kung anumang namagitan sa kanila ni Alex. Iniyakan niya ito ng tatlong araw na walang nakakaalam. Sa loob ng klase napansin ng lahat ang pagiging malayo nila sa isa't isa at kung magsasalubong man sila sa daan makikita mong umiiwas itong si Alex. 

Hindi rin namalayan ni Lucille na lalawak ang mundo niya. Maraming pumalit sa lugar ni Alex sa buhay niya ngunit sila'y naging mga kaibigan na lamang niya. Maraming nagtangka at mayroon din siyang mga napusuan na puwedeng pumalit sa puwang na iniwan ni Alex ngunit sinarhan na niya ito. Ibinaling na lang niya sa pag-aaral ang lahat ng gawain niya dahil nawalan siya ng tuon noon sa nangyari sa kanya. 

Nakapagtapos siya ng medisina at nakapasa sa board examination. Itinuon niya ng pansin ang pagpasa sa pagsusulit papuntang Amerika. Nasuwertehan naman niya at natanggap siya sa isang malaking ospital sa New York upang magsanay sa Emergency Medicine. At dito niya nakilala si Dr. Richard Smith na bumago ng kanyang mundo. Pumanaw man si Richard, malaki parin ang pasasalamat niya dahil sa tanggap na tanggap siya sa ospital na pinagtratrabahuan niya na walang pagtatangi. 

Inalis ni Lucille ang takip ng kanyang mata dahil narinig niya boses ng flight attendant. Inaayos niya ang pag-upo niya at di sinasadyang nabaling ang tingin niya sa kanan. Nandoon si Alex na nakangiti sa kanya. 

Alex: By the way, from where are you in the Philippines? 

Lucille: I am from La Union. Aringay. 

Alex: Aringay? I have a batchmate from there. Si Paulie! Jose Paulo Silvestre! Do you know him? 

Lucille: Ah si Dr. Paulie! 

Kunwari ang reaksiyon ni Lucille. Talaga namang kilala niya si Dr. Paulie dahil siya naman dati yun. Parang nagsikip ang dibdib niya noong sabihing batchmate lamang ang turing ni Alex kay Paulie. Sana man lang nasabi nitong kaibigan o mabait na kasama. Napansin ni Alex ito. 

Alex: Something wrong? 

Lucille: Nothing! Don't worry about anything. 

Hindi na inistorbo ni Alex si Lucille hanggang nakarating na sa NAIA 2 ang eroplano. Nagkita na naman sila sa kuhanan ng mga maleta nila. Ibinigay ni Alex ang kanyang calling card at isinulat ang cellphone number niya rito. At sinabi niyang nasa Shangrila-Makati siya para dumalo sa isang class reunion. Dadating ang pamilya daw niya sa araw ng reunion. Ngumiti si Lucille. Natawa siya sa loob-loob niya. Kilalang-kilala niya si Alex. Sa sinabi ni Alex , ito ay nagpaparamdam na magkita sila bago dumating ang pamilya niya. Naisip niya ano na ang nangyari sa Alex na nakilala niya na tinalikuran siya dahil sa banal na pagmamahal sa Diyos/ 

Sumakay siya sa service coaster ng Marriot's Hotel na malapit lang sa lugar. Doon siya susundin ng kapatid niya kinabukasan. Ayaw niyang bumibiyahe ng gabing-gabi. At sinabi niyang isama niya ang mga pamangkin niya at ng maipasyal sila at makapagshopping na rin ng kailangan nila. Masayang-masaya siya na nakita ang kapatid at ang mga pamangkin. Lumibot muna sila sa SM-North EDSA bago umuwi ng tuluyan sa La Union. Pagdating niya sa bahay nakita niya ang ama na nakaupo sa upuang binili niya sa Vigan noon. Matagal na panahon na ito ngunit nagagamit pa niya. Nagmano siya at ang ama ay hinawakan ang kamay niya at ang isang kamay niya at inihaplos sa mukha niya. Para bang tinitingnan bakit ang laking ipinagbago niya. Bagaman hindi kinontra ng tatay niya  ang napili niyang sekswalidad alam niyang gusto nito na magkaroon ng apo sa kanya. Buti na lang tatlong barako ang anak ng kanyang kapatid at sila ang magpapatuloy sa apelyedong Silvestre. Nagpahinga lang sila at nagkuwentuhan at ng mababa na ang haring araw, tumuloy na sila  sa sementeryo upang bisitahin ang puntod ng kanyang namayapang ina. Nahirapan siyang puntahan ito dahil parang squatter's area na ang sementeryo. Kung saan-saang puntod na lang inilalagak ang mga namatay. Pati sementeryo ang patakarang pulpol na rin namamayani. Napailing na lang siya. Malalim na ang araw at padilim na noong pauwi sila. Naglakad lang sila pauwi at marami silang nakasalubong na hindi na niya kilala. Nginitian niya ang mga kakilala niya ngunit parang nagtataka sila kung sino siya. Napasok sa isip niya na magkaroon ng salo-salo at bahala na kung ano ang sasabihin ng nga kamag-anakan at mga kaibigan niya. 

Ang unang ginawa ni Lucille ay tawagin ang mga malalapit niyang kaibigan  kamag-anakan at inimbitahan niya ang mga ito sa isang salo-salo. Natuwa siya dahil lahat ay tinanggap siya ng buo niyang pagkatao. Kaya noong malakihang salo-salo na nakakita man siya ng kakaibang reaksiyon ay ipinagkibit balikat na lang niya. 

Naglakas loob siya na tawagan ang malalapit niyang kaibigang doctor. At nagdesisyon siya na harapin sila sa isang salo-salo sa paborito niyang hotel - ang Hotel Shangrila Makati. Sa loob ng limang araw, magsisimula na ang mga kaganapan ng class reunion nila. Napagkasunduan nilang  magkita-kita sa Shang Palace. Sinadya talaga ni Lucille na huwag munang magpakita sa grupo. Tulad ng dati ang ingay-ingay ng mga kaibigan niya. Maririnig mo mga malalakas na tawanan. Lingunan lahat ang mga diners sa kanya noong pumasok siya. Napatigil ang mga kaibigan niya sa kanilang katuwaan ng dumeretso siya sa lugar nila. Kung bakit naman sabay-sabay silang nagsabi ng pangalan niya na Paulie. At sabay bawi naman niyang: 

"Lucille na ngayon!"

Manghang-mangha sa hitsura niya ngayon ang mga kaklase niya. Mayroon nagtanong kung magkano nagastos niya? Ano yung mga proseso ang mga pinagdaan niya? Me libido pa rin ba siya? Palibhasa tulad niyang mga akademiko kaya madali siyang naintindihan at natanggap. Sinabihan siya na dapat sa grand ball na lang siya dumalo para maeksena at puno  ng mga maiigting na drama. At mas maganda ang mangyayari dahil sunod sa alpabeto ang pagpasok ng mga nagrereunion sa gala room.  Hindi daw tulad sa dati na hiwalay ang lalake sa babae. At sigurado maraming magugulat ang lahat kung ang pangalan niyang Jose Paulo Silvestre ay tatawagin at isang diyosa ang lalabas. Ganoon na nga ang napagkasunduan nila. Ngunit ano ang gagawin niya sa tatlong araw na hindi siya sasama sa mga gawain ng reunion? Mayroong parang nagswitch na bombilya sa utak ni Lucille. 

IV





Nagtext siya kay Alex at tinanong niya kung nasaan siya. Sumagot si Alex na nasa hotel siya na siya rin naman niyang kinaroroonan. Inanyayahan siya ni Alex na dumayo ito sa kuwarto niya. Hindi na nagpatumpik-tumpik si Lucille sa pagpunta na dala-dala ang isang botelya ng alak. Nasa isipan ni Lucille ito na ang tamang panahon para mahulog sa bitag niya si Alex. Nakikinikinita niya ang hitsura ni Alex pag nalaman niyang siya si Paulie - ang lalaking kanyang iniwan sa kasawian. Ngunit noong nasa pintuan na siya ng kuwarto ni Alex, siya'y nag-alinlangan. Nagulat na lang siya noong mayroong nagsalita sa likuran niya at noong lumingon siya, si Alex pala at lumabas din siya para bumili ng alak sa Spirits. 

Alex: Why hesitate? 

Lucille: I think it is not right. 

Binuksan ni Alex ang pintuan at pinapasok at akmang papasukin si Lucille sa kuwarto. Ngunit tumalikod si Lucille at akmang aalis na. Hinawakan ni Alex ang kamay ni Lucille at iniharap sa kanya. 

Alex: Nangyari na ba ang eksenang ito sa atin, Lucille? 

Hinatak siya ni Alex palapit sa kanya papasok sa kuwarto. Hinalikan siya ni Alex at unti-unti bumigay siya sa marubdob nitong hangarin. Hindi maintindihan ni Lucille ang sarili. Akala niya poot at paghihiganti ang dapat niyang maramdaman ngunit bakit pagmamahal ang isinusukli niya. Naramdaman din niya na ang bigay ni Alex sa pagniniig na yun ay punong-puno ng pagmamahal. Noong umabot na sila sa sukdulan, tumulo na ang luha na tinitimpi ni Lucille. Mahal niya si Alex at hindi niya maitatwa ito. Nakita ni Alex ang luhang tumulo at pinahiran niya ito ng kanyang mga halik. Nalunod na naman si Lucille sa pagmamahal niya kay Alex. Alam niya natalo siya sa larong ginawa niya. 

Gusto niyang pagtaguan si Alex sa tatlong araw na nandoon siya sa hotel. Nag-isip siya ng paraan. Sa harapan ng agahan niya sa restaurant ng hotel malalim ang iniisip niya. Hindi niya namamalayan na siya ay matamang tinitingnan ng mga hotel staff lalo na ang mga kalalakihan. Hawak hawak niya ang cellphone niya na nag-iisip habang papunta siya sa elevator. Hindi niya napansin na may kasama siya sa loob ng elevator na mukhang hotel staff dahil nakauniporme siya. Binati siya nito. Tumango lamang siya. Ngunit mayroong kasunod na bati ang lalakeng staff sa kanya. 

Staff (Carlo) : Ang ganda ninyo Ma'am! 

Lucille: Huh? 

Liningon niya ito at nakita niya ang isang lalake na mas bata sa kanya. Siguro nasa late 20's na ito at guwapo at napakasarap ngumiti. Sinagot niya ito. 

Lucille: Pekeng kagandahan yan! At peke ako! 

Carlo: Huh? 

Lucille: Oo! 

Carlo: Di bale Ma'am, peke man nagmamahal pa rin naman! 

Natawa na lang si Lucille. At bigla siyang nagkainteresado kay Carlo. Tinanong niya kung anong gagawin niya sa susunod na tatlong araw? Nasabi ni Carlo na off niya. Nangiti si Lucille. 

Lucille: Baka gusto mo akong samahan? 

Carlo: Naku ma'am bawal po sa amin. 

Lucille: Off mo naman. Magkita tayo sa labas at ng hindi ka pagsuspetsahan sa trabaho. 

Carlo: Sige Ma'am.

Lucille: Lucille na lang, huwag Ma’am! 

Nag-usap sila kung saan sila magkikitang dalawa at kung anong oras kinaumagahan. Tuwang-tuwa si Lucille dahil nakagawa siya ng paraan para iwasan si Alex. Ngunit parang gumawa siya ng panibago niyang problema dahil kay Carlo! 

Umarkila siya ng kotse at ito ay pinadrive niya kay Carlo. Dalawampu't walong taong gulang na si Carlo. Isa siyang in-house supervisor na in-charge sa mga nangyayari sa hotel. Kung masyadong busy sa hotel ay flexible ang gawain niya upang maging efficient ang delivery ng services. Limang taon na rin si Carlo sa kanyang trabaho. Madaling makagaanan ng loob si Carlo at malalim ding mag-isip para sa edad niyang iyon. Nadesisyunan ni Lucille na magpunta sila ng Tagaytay. Nagcheck-in sila sa Taal Vista Hotel. Pagkatapos nilang magpahinga ng konti nilibot nila ang magagandang lugar sa Tagaytay. Unang punta pa lamang ni Lucille sa Tagaytay at gandang-ganda siya rito. Tama lamang ang lamig ng lugar na parang spring time lang sa Amerika. Bawat mapuntahan nilang lugar mayroong bumabati sa kanilang dalawa na napakagandang pares nila. Natatawa na lang si Lucille ngunit pagmamalaki ang dulot nito kay Carlo. 

Bagamat ganon ang nararamdaman ni Carlo para kay Lucille, maginoo pa ring pakikitungo ang pakita nito sa kanya. Ngunit iba nasa isip ni Lucille. Alam niyang naiintriga si Carlo sa sinabi niyang isa siyang transexual. Gusto niyang iparanas sa kanya ito. Sa huling gabi nila sa Tagaytay, inanyayahan niya itong maligo sa pool ng hotel. Nagdala siya ng alak para umiinit ang kanilang pakiramdam ngunit sa suot ni Lucille na 2-piece bikini , darang na darang na si Carlo. Hindi rin maintindihan ni Lucille kung bakit ganoon siya mag-isip. Nagwawala ba siya? Noong hinalikan at pinasok na siya ni Carlo, inihagis niya ang lahat ng pag-aalala sa hangin. Nagising siyang nakayakap sa kanya si Carlo. Tiningnan niya si Carlo mula ulo hanggang paa. Nagtataka siya bakit wala man lang pakiramdam ng pagsisi sa kanyang ginawa. Gagamitin rin ba niya si Carlo bilang instrumento ng kanyang paghihiganti? 

Naramdaman ni Carlo ang paggalaw niya. Bumalikwas ito at noong naalala niya ang nangyari sa kanilang dalawa, nagbigay ng paumanhin ito sa kanya. Ngumiti lang si Lucille at sinabing maghanda na siya at pabalik na sila ng Makati. Masayang nagbiyahe pabalik ang dalawa sa Makati. Ibinalik nila sa car rental ang inarkilang kotse at naghiwalay sila mula roon. Bumalik si Lucille sa hotel at nagbalik din ang suliranin niyang kanyang pilit iniwasan. 



 V



Pagkatapos ng nangyari sa kanila ni Alex nagkaroon na siya ng pagdududa sa gagawin. Naisip niya kung tama ito. Masasaktan at lalong mamumuhi si Alex sa kanya nito. Dumating ang araw ng reunion ball. Naisip niyang huwag ng pumunta. Ngunit noong tumawag ang mga barkada niya sa kanya, naisip niyang tapusin na ang lahat. Nag-ayos siya. Pinili niya ang isang puting serpentina gown na stretch ang klase ng tela. Hapit na hapit ito sa kanyang katawan at aninag mo ito kung nakapanty siya o hindi. Walang naaninag sa kanya kaya alam ng nakakakita na wala siyang gamit panloob. Tinernohan niya ito ng pearl earrings at pearl necklace. Ginawa niyang pusod ang ayos ng kanyang buhok. Hawak ang bag na kulay puti, siya'y lumabas sa kanyang kuwarto papuntang elevator.




Mayroong mga nakasakay sa elevator at tinginan sila na alam mo na ang tanong sa isip nila, sino siya? Ipinagkibit balikat na lang niya ang tahimik na paghanga sa kanya. Ang medal ceremony ang unang parte ng class reunion. Itatawag ang pangalan ng alumni at bubuksan ang pintuan at maglalakad sila papuntang maliit na entablado. Isusuot sa kanila ang medallion at pagkatapos nito maglalakad sila sa isang red carpet kung saan sila kukunan ng larawan. Noong turno na ni Lucille, siya'y naglakad na parang beauty queen, marilag, mayumi at sadyang kayganda. Sinabing siya ay si Jose Paulo Manansala Silvestre, now Lucille Paula Silvestre Smith, Full Professor, Baylor College of Medicine. Parang artista na pinag-uusapan sa reunion si Lucille at sinabi nilang "only Paulie can upstage himself". Kaya si Lucille daw ang tumalo kay Paulie dahil walang bahid ang kanyang ganda noong gabi na yun. Hindi na alam ni Lucille kung ano ang naging reaksyon ni Alex sa kanya dahil pinagkaguluhan na siya ng dating kaklase.

Hindi niya maubos-maisip kung paano siya natanggap ng mga ito. Sa buong gabi, walang ginawa si Lucille kundi magpakuha ng larawan sa kung sino-sino. Pati yung mga dati niyang professor ay nakipagkuhanan ng larawan sa kanya. Transexual man siya o hindi, kaagapay niya ang karamihan sa mga kaklase o mas higit pa siya sa kanila. Marami ang nagtaka bakit wala siya sa listahan ng mga paparangalan ng gabing yun. Hindi naman niya inaasahan  na magkakaroon siya ng parangal dahil ang buhay niya ay tahimik at mas mabuting walang nakakaalam sa kanyang pribadong buhay. Ngayong lumantad siya at nagpakilala sa madla, ngayon niya napagtanto na wala sa sekswalidad ang magagawa ng isang tao. Naging napakasaya niya ng gabing ito at hindi na niya alam kung mayroong mga iba na ang pagtingin sa kanya at taliwas sa karamihan. Sinagad niya ang oras para makipagsayahan sa mga kaklase at kaibigan na sampung taon niyang hindi nakita. Maski tapos na ang programa, marami pa ring nagpunta sa recreation lounge, restaurant at bar ng hotel upang ipagpatuloy nila ang kasiyahan at muling bumalik sa pagkabata. Nagpaalam muna si Lucille sa grupo at siya ay babalik sa kanyang kuwarto at magpapalit ng mas akmang damit sa pagpapatuloy ng kanilang kasiyahan. 

Noong nasa malapit na siya sa pintuan ng kanyang kuwarto, nakita ni Lucille si Wilma, ang asawa ni Alex na parang naghihintay sa kanya. Nagulat siya dahil hindi niya inaasahan na magkakainteres na nakipag-usap si Wilma sa kanya. Kaklase nga niya si Wilma ngunit iba ang grupo nito. Alam niyang mabait ito sa lahat ngunit bakit siya ang lumapit sa kanya at hindi si Alex na siyang dapat nasabugan ng bomba dahil ang kanyang nakaniig ng gabing yun ay ang "bomba" star ng klase. At dati pa noong karelasyon noong lalake pa siya. Nagulat siya talaga. 

Lucille: O' Wilma! Hello! Is there something that I can do for you? 

Wilma: Puwede ba kitang makausap Paulie? 

Lucille: Wilma, it's Lucille now. 

Wilma: Whatever! 

Nabuksan na ni Lucille ang kuwarto at pinapasok niya rito si Wilma. Nagpatuloy na nagsalita ito. 

Wilma: Bakit ka bumalik? Bakit ka nagpakita ulit? Sana itinago mo na lang ang katauhan mo na yan, magpakailanman! 

Lucille: Huh? Is there anything I need to know Wilma? 

Wilma: Sa akala mo hindi ka kilala ni Alex na ganyan? Sa akala mo nakalimutan ka na ni Alex? 

Lucille: What are you saying? 

Wilma: Sa loob ng sampung taon naming kasal, walang ibang nasa isip ni Alex kundi Paulie. Si Pauliey na lang na si Paulie. Pati panaginip niya Paulie ang sinasabi niya. Hindi ka ba nagtaka, oras lang layo namin sa iyo! Sinusubaybayan niya lahat ang nangyayari sa iyo! Ikaw ang mahal ni Alex, Lucille. Naghiwalay man kayo dahil sa sinasabing paniniwala niya, putang ina, Lucille - ikaw ang nasa utak at puso niya! 

Humagulgol na si Wilma at hindi alam ni Lucille ang gagawin. Unti-unting dumausdos pababa si Lucille hanggang sa sahig at wala siyang ibang nasabi kundi ang mga salitang "Hindi ko alam" na paulit-ulit. Noong wala na silang mailuha, tumayo na si Wilma at nagsimulang lumakad papuntang pintuan at umalis na at naiwang nakaawang ang pintuan. Samantala, naiinip na ang grupo at nagpasya ng umakyat para sundan si Lucille sa kuwarto. Nagtaka sila kung bakit bukas ang pintuan nito. Naabutan nila siyang nakahiga sa sahig na tulala! Noong nagtakbuhan  sila at niyakap nila ang kaibigan ay nagsimula na namang itong humagulgol. Anuman ang tanong nila ay ayaw nitong magsalita. Inayos nila ito sa kanyang kuwarto at nagpasya na silang tapusin ang mga kaganapan! Nagpaiwan na lang ang isa nilang kaibigan na si Wengdu para samahan niya si Lucille  bagaman madaling araw na! 

Alas onse na bumangon si Lucille. Nakita na niya nakahiga ang kaibigan niyang doktor na si Wengdu na isa ring bakla na nasa sofa. Nahiya siya sa kanya bakit kailangang doon pa siya nakatulog at puwede namang tabihan siya sa kama. Nagulantang si Wengdu noong naramdaman niyang gising na pala si Lucille. ay Tinanong niya kung gutom na siya at noong tumango ito ay nag-order itong makakain sa pamamagitan ng room service. Maya-maya'y may kumakatok na. Akala ni Wengdu na yun na ang room service ngunit noong buksan niya ang pintuan, si Alex ang nasa harap ng pintuan. Dahil alam ni Wengdu ang kuwento ng pagkakaibigan ni Lucille at Alex, binigyan niya sila ng panahon sa isa't isa. Nagpaalam siya na pupunta muna siya sa kuwarto niya dahil nakabook din pala siya doon. Nagpasalamat si Alex kay Wengdu sa suportang ibinibigay niya sa kanila. Tahimik silang nakaupo at hindi nagtitinginan. Binasag ni Lucille ang katahimikan. 

Lucille: Bakit hindi mo sinabi? Maiintindihan ko naman eh! Binayaan mo pang mayroong puot na mamuo sa dibdib ko. 

Alex: Iyon na nga Lucille. Masyado kang mapang-unawa. Ayokong dahil sa kabaitan mo masira ka lalo. Alam mong walang patutunguhan ang relasyon natin noon kaya pinutol ko na kaagad habang maaga pa. 

Lucille: Kahit na Alex. Kahit na! Bakit sa nangyari ba sa atin noong nakalipas na dalawang araw hindi ko alam kung ano yun? Tama nga si Wilma. Bakit pa ako nagpakita? Bakit pa ako natuksong maghiganti! 

Alex: I am so sorry Lucille. 

Nagyakapan silang dalawa habang umiiyak. Naghalikan ng matagal. Nagtitigan ng matagal. Tumingin sila sa labas ng bintana. Matagal. At muling tiningnan ni Lucille si Alex. Hinagkan ng masuyo at masuyong nagsalita....

"Hanggang dito na lamang, Alex... "

Umiiyak si Alex na tumalikod na naglakad papunta sa pintuan. Unti-unting sumara ang pintuan. Mayroong katok ng pinto na narinig si Lucille. Narinig niya ang salitang, "room service, Ma'am!" Pinahid niya ang luha niya at binuksan niya ang pintuan. Nakatayo sa labas ng pintuan si Carlo upang ihatid ang order nilang pang-room service.


-wakas-

3 komento:

  1. Masyadong sensitibo ang paksa ng kuwento mo ngunit nakakagulat. Walang mali sa pag-ibig. What was wrong were the choices we made.

    TumugonBurahin

ARINGAY TOURISM WEBSITE TESTING

We are presently testing the Aringay Tourism Website. Please visit and we appreciate your comments. https://aringaytourism.site123.me