akda ni Rolando Quiros Mallari MD
©Mallari,RQ
2017
Pagpapahayag: Lahat ng pangyayari sa salaysay na ito
ay pawang kathang-isip lamang. Ang pagkakatulad sa tao, lugar, kaganapan at
tiyempo ay nagkataon lamang.
Masayang-masaya si Minda sa araw na ito. Ikalawang buwan
na siyang hindi dinanatnan. Ito'y hudyat na siya'y tunay na nagdadalantao na.
Masaya siyang nagpunta ng ibayo upang ipaalam ito kay Gamal, ang lalaking naatasan ng
kanyang tribung Baskag na kanyang makakaisang dibdib. Ayon sa tradisyon at
kultura nila, pagkapanganak pa lang, sila ay mayroon ng nakatakdang maging
asawa. Bagaman makabago na ang mundo ang tradisyong ito ay nasusunod pa rin sa
kanila. Mayroong sinusunod na alituntunin ang tribu bago maisakatuparan ang
pag-iisang dibdib. Kailangang magbuntis ang babae sa pamamagitan ng pagniniig
at paghihintay ng dalawang buwan. Kaya laking tuwa ni Minda at siya'y
biniyayaan. Hindi suliranin kay Minda ang takdang lalake para sa kanya. Paano
siya hihindi, mula pagkabata, naitangi niya na sa puso niya si Gamal. Si Gamal
na siyang kakaiba sa lahat. Siya ay guwapo, matipuno, matalino at palaging
pinuno sa lahat. Si Gamal ang lalaking magpapatuloy ng tradisyon nila - ang
bagong salinlahi ng tribong Baskag.* Ang Baskag ay isang matulaing pook sa
sentro ng Cordillera. Ang lugar ay pinamugaran ng mga katutubo na may sarili
paniniwala na nalipat na sa bawat henerasyon ng nakalipas. Bagaman napasok na
ng Kristiyanismo ang lugar nila, ang katutubong kaugalian ay nanatili pa rin sa
kanila. At dahil nga rito sa kaugaliang ito umikot ang kuwento ni Gamal at
Minda.
Nakita na ni Minda ang bahay nina Gamal at hindi siya
nagparamdam na siya'y nasa paligid na. Gusto niyang sorpresahin si Gamal para
sa masayang balita niya. Maya-maya'y mayroon siyang naulinigan na nag-uusap, napagtanto
niyang sina Gamal at ang ina nitong si Aling Rita na kung tawagin ay si Inang
Ittang. Hindi mawari ni Minda kung bakit siya nagtago at pakinggan ang usapan
ng mag-ina.
Inang Itta: Anong sinasabi mo Gamal? Nasa tamang
kaisipan ka ba?
Gamal: Inang, hindi ko gustong sirain
ang tradisyon ngunit gusto ko pang mag-aral. May mga pangarap akong gusto kong
matupad.
Inang Itta: Anong gusto mong mangyari?
Iwanan ang tribu? Sa iyo nakaatang ang salinlahi natin. Marami na ang umalis
ngunit hindi na nagbalik. Sisirain mo ba pangako mo sa iyong namayapang
ama?
Gamal: Ina alam ninyong ayaw ko nito.
Inang Itta: E bakit ka pumasok sa mga
ritwal. Nagalaw mo na si Minda ngayon ka pa ba tatalikod? Nakahanda na ang
limang kalabaw, limang baka at dalawampung baboy para sa okasyon! Mag-isip ka
Gamal!
Marami pang napag-usapan ang mag-ina ngunit hindi na
kinaya pang makinig ni Minda. Walang ingay siyang umalis, luhaan at punong-puno
ng hinagpis. Dumeretso siya sa kanilang bahay at nagkulong siya sa kanyang
kuwarto at kung ano man nasa isipan niya hindi ito maarok.
Maagang bumangon si Minda kinaumagahan. Tulog pa ang
lahat sa kanilang bahay. Dala-dala niya ang isang bag na naglalaman ng konting
gamit niya. Nag-iwan siya ng sulat para sa mga magulang niya. Naglagay siya ng
belo sa ulo at naglakad papuntang paradahan ng sasakyan. Umakyat siya sa bus na
papuntang Baguio at pinili niyang umupo sa pinakalikod na upuan ng sasakyan.
Ayaw niyang mapansin siya ng mga pasahero. Lahat naman sa kanila magkakakilala.
Ipinagdasal lang niyang maraming turista ang sasakay para hindi siya halata.
Nagtulog-tulogan na lang siya noong nakaupo na siya. Mayroong dalawang turista ang umupo sa karatig na upuan.
Natuwa siya pero noong may isang matandang babae ang umupo sa tabi niya'y
kinabahan siya. Di niya kakilala ito. Nginitian siya at siya'y ngumiti rin. Ibinaling na ang kanyang tingin at itinuloy na ang pagtulog-tulugan at ng umandar na ang sasakyan paalis parang nabunutan
siya ng tinik sa dibdib. Noong nakarating na sila sa sumunod na bayan, lalong
naging maaliwalas ang lahat kay Minda. Hindi na niya mapigilan ang luhang
dumaloy sa kanyang mga mata. Naisip niya ang magiging buhay nila ng kaniyang
magiging anak. Gusto niyang humagulgol pero pinigil niya dahil kahiya-hiya sa
mga pasahero. Hindi niya napapansin pinapakiramdaman siya ng matandang babae na
katabi niya. Lumapit ang konduktor at ibinigay tiket nila at siya ay nagbayad.
Nagsalita ang matanda.
Unding: Sa Baguio ka tutuloy? Ako rin
at mahaba-haba pa rin ang biyahe.
Minda: Opo.
Unding: Ako pala si Unding. Inang Unding tawag nila sa akin dahil matanda na rin ako. May tutuluyan ka sa
Baguio?
Minda: Madami po akong kamag-anak doon
pero wala po akong balak pumunta roon.
Unding: Takas ka?
Minda: Ha?
Unding: Ibig kong sabihin mayroon kang tinatakasan?
Napaiyak na ng tuluyan si Minda. Nang magulantang si
Inang Unding...
Unding: Teka, teka.....Ikaw si Minda
ang babaeng itinakda.
Minda: Opo! Paano ninyo po alam?
Unding: Ay ang batang ito, hindi mo na
ako kilala. Aba'y tiya mo ako. Pangalawang pinsan ng nanay mo.
Minda: Pasensiya na po. At para ninyo
na pong awa, huwag ninyo pong sabihin sa mga magulang ko kung saan ako
papunta.
Unding: Ay hindi. Pero bakit mo
tinatakasan ang responsibilidad sa ating lahi?
At delikado ang
gagawin niya lalo pa at buntis siya. Inalok niya na tumira sa kanya si Minda at habang naghihintay makapanganak mga gawaing bahay muna ang gagawin niya. Pagkapanganak naman niya ay puwede siyang bumalik na sa pag-aaral. Walang
magawa si Minda kundi umayon bagamat hindi niya alam ang kinabukasang tatahakin
niya sa piling ng matanda.
Malaking gulo at ingay ang pagkawala ni
Minda. Hindi na matutuloy ang inaasam-asam na kasalan ng tribu. Mapapansin na
malungkot at ligalig si Gamal.
Ambet: O bakit ka malungkot at ligalig
diyan? Di ba dapat masaya ka at nasolusyunan na problema mo?
Gamal: Tanga ka talaga Ambet! Kung
magpapakita ako ng saya ano na lang sasabihin sa akin. At tutoo namang
malungkot ako pero hindi ko alam kung bakit? Parang mayroong nawala sa akin.
Ambet: Aminin mo na kasing mahal mo
rin siya e bakit mo iiwanan? Nakita nga kitang naninilip sa batis sa kanya noon
e?
Gamal: Gago!
Akmang babatuhin ni Gamal si Ambet na tumakbo ng palayo
habang si Gamal ay naiwang nagmunimuni. Tutoo rin ang sabi ni Ambet sa kanya.
Lihim din siyang may gusto kay Minda. Nakahiyaan na lang niyang sabihin ito sa
kanya dahil nga sa pagtatakda sa kanila. Para sa kanya si Minda ang
pinakamaganda at mayuming dilag sa tribu. Alam niya, maraming kalalakihan ang may gusto sa kanya ngunit siya ang pinalad.
Sa mga sumunod na araw, nalaman ng buong tribu na si
Gamal ay natanggap sa akademya ng mga pulis at sa susunod na buwan siya'y
papasok na. Naging palaisipan tuloy sa tribu kung sino ang sumira sa
pagtaktakda. Dahil halata naman na hindi isang agarang pagpapasya ang
pangyayari kay Gamal kumpara ang kay Minda.
Sa kabilang dako, lahat ng alalahanin ni Minda ay nawala.
Tutoong kamag-anak niya si Inang Unding. Si Inang Unding pala ang palagiang
kuwento ng mga kababaihan na isa ring nakatakda noon ngunit hindi siya
mabuntis-buntisan kaya hindi sila nagkatuluyan ng lalaking itinakda sa kanya.
Sa kanyang malaking kahihiyan, lumabas ng tribu si Inang Unding. Marami din
siyang hirap na pinagdaan ngunit nagpursigi siya sa buhay upang umangat. Umuwi
lang siya bayan upang kausapin ang Mayor para imbitahin ang mga kababayan niya
na magtrabaho sa pabrika niya ng bag at mga damit. Mayroon na rin namang
mangilan-ngilan siyang katribu na nagtratrabaho doon at nabigyan niya ng sapat na tiwala sa trabaho. Trabahong bahay lamang si Minda dahil sa kanyang
pagbubuntis. Hindi naman siya inoobliga ni Inang Unding na magtrabaho sa
pabrika dahil menor de edad pa lang siya noon at hindi naman iba ang turing
niya kay Minda. Ganito ang situwasyon ni Minda hanggang nakapanganak siya.
Laking pasalamat ni Minda dahil ang tumulong sa kanya ay isang kamag-anak na
mabuti ang loob. Bagamat paminsan-minsan ay naaalala ni Minda si Gamal pinilit
niyang ibaon sa limot ang mapait niyang nakaraan.
Sa sumunod na pasukan pumasok si Minda sa isang
pampublikong kolehiyo na malapit lang sa tinitirhan niya. Tamang-tama ito sa kanya at madali para sa kanya ang pag-uwi at maasikaso niya ang kanyang anak na si Armando na binigyan niya ng palayaw na
Arman. Kumuha siya ng kursong Sociology. Isang kursong naglalayong
maintindihan lalo ang lipunan. Naging masigasig si Minda sa kanyang aralin at
naging aktibo rin siya sa gawain sa eskwelahan. Hindi niya na namamalayan isa
na siyang social activist na ipinaglalaban ang karapatang panlipunan ng mga
kababaihan. Nagkaroon siya ng mga iba't ibang outreach programs para sa mga kababaihan ng
mga tribu. Nagtapos siyang Cum Laude at noong kanyang
pagtatapos isinuot niya ang kasuotang pambabae ng kanyang tribu bilang pagpupugay sa kanila. Inimbitahan niya ang
kanyang mga magulang upang masaksihan ang kanyang pagtatapos sa kolehiyo.
Natuwa ang mga magulang ni Minda sa kanyang kinahinatnan
at lalo pa silang natuwa sa maglilimang-taong gulang na apo nilang si Arman.
Nalaman rin nila kung ano ang rason kung bakit siya lumayas ng walang paalam.
Laking pasasalamat din ng magulang niya na si Inang Unding ang nakatulong sa
kanya. Dahil sa angking talino, inanyayahang magturo siya sa Pamantasan na siya
rin niyang tinanggap. Nagpatuloy din si Minda sa pag-aaral ng abogasya.
Minsan mayroong isang namatay na katutubong babae sa isang paraang
hindi maipaliwanag. Nagrally ang maraming kababaihan at sumama ang mga ibang
nasa akademya upang bigyan suporta ang mga katutubo. Isa na sa sumali si Minda.
Nang biglang nagkagulo at nagkasakitan sa rally. Hinuli ang mga namuno at
nasama si Minda sa grupo. Sa presinto ay maayos naman silang inasikaso at kung
walang kasong isasampa sa kanila ng 24 na oras ay palalayain din sila! Wala pa
siyang tatlong oras na nakakulong ay tinawag na siya at sinabing puwede na
siyang lumabas. Akala ni Minda ay si Inang Unding ang umasikaso ng paglabas niya
dahil tinawagan naman niya ito kaagad. Ngunit sa paglabas niya nakita niya ang
isang pamilyar na mukha nakatayong naghihintay sa kanya sa harapan ng presinto,
naka-uniporme ng pampulis. Hinding-hindi siya magkakamali tungkol sa taong ito.
Tiningnan niya ang pangalan na nakalagay sa uniporme at nakaburda ng P/I
Baclag. Isa ng ganap na opisyal ng pulis si Gamal. Isa na siyang Police
Inspector.
Sinalubong siya ni Gamal ng isang
kakatwang pagbati.
Gamal: Dito lang pala kita
makikita!
Minda: At bakit hinanap mo ba
ako?
Gamal: Opps, opps, bago mo ako awayin
Professor Sagat, puwede ba kitang maimbitahang magmeryenda bago natin
pag-usapan ang mga sama ng loob mo?
Tiningnan niya si Gamal! Ibang-iba na ang tindig.
Ibang-ibang kakisigan. At mayroon ng hangin ng otoridad ang dating. Naunang lumakad
si Minda palabas ng presinto na siya namang naintindihan ni Gamal na pumapayag
siya. Bago lumabas si Gamal sa presinto, nakita niyang nagbigay pugay ang
mga pulis sa kanya na siya rin naman niyang ibinalik sa kanila. Nakaramdam siya
ng pagmamalaki sa respetong ibinigay kay Gamal. Naglakad siya palabas ng
presinto at hinabol siya nito. Dagling pumunta si Gamal sa kanyang sasakyan at
inanyayahan siya nitong pumasok sa loob sa pamamagitan ng pagbubukas ng pinto.
Pumasok siya loob ng kotse at umupo. Isa itong Toyota Vios at halatang segunda
mano pero maayos at masinop ang sasakyan. Nahiya siyang magtanong kung saan
sila pupunta kaya nagsawalang kibo na lang siya. Sadyang nakakabingi ang
katahimikan sa loob ng kotse dahil sa hindi nila pagkikibuan. Humirin si Gamal
at nagpalam siya kung puwede daw ba siyang magpatugtog. Tumango na lang si
Minda na hindi kumikibo. Ewan kung sinadya ni Gamal at ang naisaksak niyang
tugtog ay ang Dayang-dayang. Nagulat na lang si Minda dahil naalala niya na sinayaw
nila noon ang tugtog at dahil sa isang aksidente sa bahag ni Gamal
muntik-muntikan na itong nahubuan. Humagikgik si Minda dahil doon at alam na ni
Gamal na naalala na niya ang katawa-tawang eksena ng nakalipas. Sabay na silang
nagtawanan.
Sa isang Chinese restaurant ata siya dinala ni Gamal.
Nabasa niya ang salitang David's at nakita niya ang mga Chinese characters na
sumunod sa pangalan. Maganda ang restaurant. Mayroong mga private dining rooms ito.
Pumayag na rin Minda sa situwasyong ganoon dahil baka iba pa maisip ng mga tao
na kakilala niya pag nakita siyang may kasamang pulis. Umorder sila ng pagkain
nila at habang sila'y naghihintay ng makakain kalkulado ang mga salita nila.
Kumain sila at noong nasa panghimagas na sila, doon na nagsimulang magsalita si
Gamal.
Gamal: Bakit mo ako iniwan?
Minda: Kailangan mo pa bang tanungin
yun sa akin Gamal? Dapat alam mo kung bakit?
Gamal : Ibig mong sabihin narinig mo
pag-uusap namin ni Inang Ittang?
Minda: Sa tingin mo kaya bigla na lang
akong aalis ng walang rason? Masakit ba Gamal na ikaw ang iniwan? Masakit ba na
naunahan ka ng isang babae?
Gamal : Hindi yun ang gusto kong
mangyari.
Minda: Ano gusto mo mangyari? Ituloy
ang kasal pagkatapos iiwan mo rin kami? O iiwanan mo na lang kami basta? Kung
me pangarap ka me pangarap din ako. Ngunit inalala ko ang tribung nilakhan ko
kaya pumayag ako sa pagtatakda. Ngunit sakim ka Gamal.
Gamal: Patawarin mo ako Minda. Alam
kong nagkamali ako. Sakim na kung sakim. Matanong lang kita, bakit palagi mong
sinasabing kami? Sino pa ba ang ibang maapektuhan? Ang tribu? Ikaw?
Lumuluha ng sumagot si Minda.
Minda: Ang tanga mo Gamal! Ang tanga-tanga mo!
Magsasalita pa sana si Minda ng tumunog ang kanyang
cellphone. Sinagot niya eto at si Inang Unding ang nasa kabilang linya. Sinabi niya kung nasaan
siya at sinabing sunduin siya. Dahil malapit na lang naman ang lugar ay wala pang sampung minuto ay nakarating kaagad. Nakilala siya ni Gamal
na isa rin itong katutubong Baskag. Nag-iwan ng salita si Minda ke Gamal.
Minda: Sanay ito na ang huling
pagkikita natin sa isa't isa.
Tinuldukan na ni Minda ang relasyon niya kay Gamal habang
marami pa ring ipinagtataka si Gamal kung bakit ganon ang reaksiyon ni Minda sa
kanya.
Hindi kinasuhan sina Minda sa nangyari at magmula noon nag-ingat na ng
mabuti si Minda sa mga dinadaluhan niyang mga rally. Alam niyang tinagurian man
siyang social activist ay marami pang bagay na puwede siyang gawin at kung
paano tumulong. Si Gamal naman ay pinasundan at pinaimbistigahan si Minda at
dahil dito nalaman niya kung saan nakatira ang propesora.
Nagpunta si Gamal sa bahay nina Minda.
Hindi na nagulat si Minda dahil alam niyang malalaman at malalaman ni Gamal
kung saan siya nakatira.
Minda : Di ba tinapos ko na ang lahat
sa atin noong huli tayong nagkita?
Itinapon ni Gamal ang hawak-hawak niyang mga larawan na
inalis niya sa isang brown envelope sa lamesita sa harapan ni Minda. Tiningnan
ni Minda ang nga eto!
Minda: So ano napag-alaman mo? Iniisip
mong anak mo sa akin yan. Puwede ko namang sabihing kung kaninong lalake
yan!
Gamal: Minda please!
Minda: Inisip mo sana noon yan bago mo
inisip na iwanan kami. Di ba itinakwil mo na siya noon? Bakit babalikan mo
ngayon ang dating basura mo?
Gamal: Minda, inamin ko namang
nagkamali ako. Kung hindi mo ako mapapatawad, bigyan mo naman ako ng puwang sa
ating anak.
Minda: Puwede kitang pahirapan Gamal.
Gusto kong paabutin sa korte at pagastusin ka at lahat ng mg mumunting bagay
lalagyan ko ng halaga at ipaako sa iyo. Gusto kong malasap mo ang sakit ng malapunyal
na saksak sa dibdib ko na ginawa mo. Ngunit hindi ko ito gagawin. Ngunit gusto
kong malasap mo rin ang pait. Makikita mo kung paano at sa pamamagitan
nito makikita mo na ang iniwan mo ay mahigit pa sa tunay na ginto.
Halatang pinaghandaan ni Minda ang situwasyon. Inilabas
niya ang kasulatan ng mga pagbisita ni Gamal sa bata at kung magkano ang
sustento niya rito. Ibinigay niya ito kay Gamal.
Minda: Yan ang itinadhana ko.
Pag-aralan mo. Ikunsulta mo sa abogado mo. Tapos maglaan ka ng araw at magpirmahan
tayo.
Medyo napatigagal si Gamal. Ngunit naintindihan niya si
Minda dahil nasaktan niya ito. Hindi niya akalain na ang dating sunud-sunuran
na babae ay magpapakita ng lakas at tibay ng loob. May tuwang namuo sa kalooban
ni Gamal. Kinuha ni Gamal ang mga papeles at nagpaalam na kung puwede makita
niya ang bata. Nagmatigas si Minda na makikita lamang niya ang bata kung
nagkasundo na sila sa nilalaman ng papeles. Walang nagawa si Gamal kundi umalis
na hindi man niya nasilayan ang kanyang anak.
Sa kasulatang ibinigay ni Minda kay Gamal, wala namang bahagi na mahirap nilang pagkasunduan. Kaya naman
niya ang buwang sustento. Medyo nakulangan siya sa panahon na ibinigay ni Minda
sa kanya sa kanyang pagbisita at paglabas sa bata. Dalawang lingguhan lang sa
isang buwan ang ibinigay niya para mapunta sa kanya ang bata. Naisip niyang
tawagan ito at ipakiusap na gawing lingguhan ito ngunit noong kausap na niya
ito ay ang nasabi na lang niyang gawing legal na ang usapan at ng masimulan na
ito. Naging maayos naman ang situwasyon nila. Susunduin niya ang bata sa hapon
ng Biyernes at sa pinagkasunduan nila sasama ang yaya ng bata at sila ay
babalik sa linggo ng hapon. Pag sinusundo at inihahahatid ni Gamal si Arman at
ang kanyang yaya, ni hindi man lang niya nasisilayan si Minda. Bagamat gusto
ring maiayos sana ni Gamal ang relasyon niya kay Minda, naiintindihan niyang
malayong mangyari sa ngayon. Itinutok na lang ni Gamal ang lahat sa pag-aaruga
niya sa anak nila.
Talagang sadya ang mga ginagawa ni Minda. Bagamat naroon
pa rin ang damdamin niya kay Gamal, kailangang maging malakas siya at ipakita
niya rito na hindi siya ang mahinang babae na nakita lang ulit ang lalaking
dating minahal e para bang nagkukumahog na siya sa pagtanggap ulit rito. Sa
pagsapit ng bakasyon, bago sumapit ang simula summer classes, naisipan niyang
magbakasyon sa Baskag. Alam niyang masosorpresa ang tribu sa pagbabalik niya.
Kinausap niya si Gamal at sinabi niyang magbabakasyon silang mag-ina at
darating sila sa araw ng panahon na takda para sa kanya. Naintindihan naman
nito ni Gamal ngunit nakakailang ang pagiging pormal ni Minda sa kanya. Alalahanin
man niya ang nakalipas, wala na ang tamis at saya ng pakikitungo ni Minda sa
kanya. Hindi naman siya matulungan ni Inang Unding dahil pati ang matanda ay
matamlay sa kanya.
Nakahanda na ang lahat ng paglalakbay nina Minda ng
dumating at ibigay ni Gamal ang bata. Nawala rin sa isip niya na tanungin kung
saan pupunta si Minda. Tiningnan na lang niyang papalayo ang sasakyan nina
Minda. Nakadama ng kirot sa dibdib si Gamal ngunit iwinaksi rin niya ang
nadarama.
Sa loob ng van, papuntang Baskag, nagsimulang magdaldal
si Inday na yaya ni Arman. At nagsalaysay ito na sa linggong yaon una niyang
nakita na me magandang babae sa bahay at mukhang kasal ang pinag-uusapan nila.
Balewala kay Minda ang naririnig niya ngunit si Inang Unding ang hindi nakatiis magtanong.
Inang Unding: Kaninong kasal naman
yun?
Inday: Sa magandang babae at ke.....
Inang Unding: Kanino?
Inday: Kay Sir Gamal ata!
Tiningnan lang ni Minda ang dalawa at maya-maya'y
nag-inat at nagkunyaring natulog. Mahaba ang biyahe papuntang Baskag. Mga
labindawang oras din mula Manila. Buti na lang ngayon magaganda na ang daan.
Dati rati hirap ang sasakyan at umaabot ng dalawampung oras ang biyahe. Bihasa
ang nakuhang driver ni Inang Unding. Isang katutubo ng tribung Baskag na
nagtratrabaho sa pagawaan ng bag. Bukang-liwayway na noong narating nila ang
kabayanan. Bagamat tag-araw, mararamdaman mo pa rin ang lamig at ginaw ng
panahon. Natuwa ang mga mata ni Minda at mga kasama niya sa ganda ng umaga at
paligid at ang mga ulap na nakikipaghalikan sa mga bulubundukin. Tumigil ang
sasakyan sa St. Anthony's Cafe at nagsibabaan sila sa sasakyan. Nandoon na ang
mga magulang ni Minda. Nagulat sila sa isang pagsalubong na wala sa hinagap
nila. Mayroong isang munting palatuntunan ng pagsalubong. Yumakap si Minda sa
kanyang mga magulang. At masugid nitong pinananood ang sayawan ng salubong.
Inihainan siya ng everlasting na bulaklak pagkatapos ng sayaw. Nagbigay ng
isang salita ang Mayor ng Baskag at hinikayat niyang magbigay ng salita si
Minda na nagpaunlak naman. Inanyayahan ni Minda ang lahat upang sumama sa mga
pagsasanay sa livelihood programs. Sa sumunod na sampung araw ng mga pagsasanay
nakita ni Minda na hindi lang siya nag-iisa. Marami na rin palang mga
kababaihan sa tribu ang mga umalis at bumalik upang ipagpatuloy ang pagtulong
sa mga kababaihan. Tuwang-tuwa siya dahil umusad na pala ang kanyang
adhikain.
Umuwi ng Maynila sina Minda na sobrang saya. Nakita niya
ang mga pagbabagong naganap sa Baskag. Bagamat me tradisyon pa ding sinusunod
nakikita niyang ang boses ng mga kababaihan ay naririnig na rin upang magbigay
kuro-kuro at palagay. Malaki na ang impluwensiya ng edukasyon at panahon .
Maski malayo ang biyahe kakaibang inspirasyon at lakas ang dulot nito sa kanya.
Pagkatapos ng dalawang araw, muling sinundo ni Gamal ang anak. Nakiusap siya na
kausapin si Minda, na siya namang pinaunlakan nito.
Gamal: Umuwi ka pala sa atin, di mo
man lang ako sinabihan at sumama naman ako sa inyo.
Minda: Aba Gamal, huwag kang
magkunwari na isa tayong masayang pamilya!
Gamal: May ipapakiusap sana ako sa
iyo.
Minda: Ano yun?
Gamal: Kukunin ko sanang ring bearer
si Arman sa isang kasalan?
Minda: Kasal mo? Baki hindi pa Best
Man ang itinoka mo sa kanya?
Gamal: Minda naman....
Minda: A ok! Anak mo siya! Walang
problema sa akin iyon.
Nagpasalamat si Gamal sa pagsang-ayun ni Minda sa hiling
niya. Bagamat naguguluhan at di niya maintindihan ang mga reaksiyon ni Minda.
Ipinasyal ni Gamal ang bata sa mall at sa labas na rin sila kumain. Pagdating
sa kanyang bahay nadatnan ni Gamal ang babaeng magiging asawa ng matalik niyang
kaibigan na si Samal.Ang babaeng ito ay si Simang. Nakasama ni Gamal si Samal
sa pagpasok sa akademya at sa pagsasanay nila. Lalong umigting ang samahan ng
dalawang ito noong iniligtas ni Samal ang buhay ni Gamal sa isang napipintong
trahedya. Sabi ng mga kasamahan nila ay para silang magkapatid lalong-lalo na't
magkasingtunog ang pangalan nila. Nasa isang importanteng operasyon sa military
si Samal kaya hindi niya maasikaso ang paghahanda sa kasal nila ni Simang. Kaya
hiniling nito kay Gamal na siya muna ang umasikaso kay Simang. Kung sa mga sukat
ng damit at kung ano pa man, dahil magkasingtangkad at magkasingsukat sila, si
Gamal ang inatasan niya para sa kanya. Pati pagpili ng wedding entourage niya
ibinigay ang responsibilidad sa kaibigan niyang matalik. Para tuloy naging
wedding coordinator si Gamal.
Pagkadating nila, nag-ayos lang si Gamal at dumeretso na
sa usapang kasal nila ni Simang. Si Inday naman ay umaaligid-aligid at pilit
namumulot ng kung anong maibabalita niya sa bahay. Narinig niya na
kinaumagahan, pupuntahan nila ang reception at simbahan kung saan gagawin ang
kasal. Isa itong magarbong military wedding. Mangani-nganing gusto na ni
Inday umupo sa tabi ni Gamal at Simang upang makinig pa lalo. Laking tuwa
ni Inday dahil kinaumagahan isinama silang dalawa ni Arman sa mga pupuntahan
nina Gamal at Simang. Isinama sila sa simbahang San Isidro de Labrador sa may Antipolo City. Nasa tuktok ito ng bulubundukin at kitang-kita mo kagandahan ng
lugar. Sa isang kasal kung saan tiyempong lulubog na ang araw ay isang
napakaromatikong pangyayari. Pagkatapos maitala at maitakda ang kasal ,
nagpunta naman sila sa reception area sa L'Orchard Garden Venue. Nakipagsarahan
na rin sa negosasyon si Gamal at Simang rito. Ang sa pagkain naman ay sa sikat
na Chef Chryztina Catering Services. Parang kulang ang araw noong dumaan sila sa
puwesto ng fabolosang designer na si Aryel Dulay. Buong entourage ay ipinagawa
sa kanya at nagpasukat na rin sila dito. Habang nangyayari ang mga ito,
intrigang-intriga naman si Inday. Hindi niya maubos-maisip na hindi ang amo
niya ang makatuluyan ng mamang pulis na tatay ng alaga niya.
Noong inihatid ni Gamal ang anak at yaya
niya, tulad ng dati hindi siya hinarap ni Minda. Si Inday naman ay sabik na
nagkuwento sa mga nangyari sa kanila ng alaga. Nagkuwento pa siya na kaninang
umaga pagkatapos nilang magsimba, dumaan sila sa Deybid's Best Face and Hair
Saloon upang isara ang kontrata sa make up services sa kasal. Nakuwento rin
niya na nagtrial make up sila sa umagang yaon at ang ganda ganda raw ng
kinalabasan. Tuwang-tuwa at kilig na kilig si Inday na nagkukuwento. Walang
imik at reaksiyon naman si Minda habang kumakain. Pagkatapos niyang kumain at
mag-ayos ng kinanan, binalikan niya si Inday.
Minda: Inday, me ibibigay pala akong
lipstick sa iyo.
Inday: Talaga ate?
Minda: Oo! Napakagandang lipstick. Pag
naipahid mo na sa labi, nagdidikit ito para matigil ka sa kadadaldal mo.
Nagulat at nalito tuloy ang madaldal na si Inday.
Napakamot na lang siya ng ulo. Tumuloy naman sa study room niya si Minda.
Kinuha niya ang isang libro at binuksan niya ito. Ngunit nakatitig lang siya sa
pahinang binuksan niya. Pagkatapos, tumitig siya sa kawalan. Pinaglaro niya sa
isip niya si Gamal - mula pagkabata at hanggang sa ngayon. Pinilit niyang
iwinaksi ang nararamdaman niya. Ano pa ba ang dapat niyang gawin e ikakasal na
si Gamal.
Sa mga sumunod na araw, parang robot ang pakiramdam ni
Minda. Ang pakiramdam niya ay sumusunod lang siya sa agos ng mga pangyayari .
Ayaw niyang mag-isip ng ikabibigat ng kanyang dibdib. Alam niyang mahahalata
siya ng mga tao sa bahay ngunit kilala niya si Inang Unding. Marespeto ito sa
nararamdamang emosyon niya. Minsan nabigyang payo na siya noon at sinabihan
siyang iiyak niya ang nararamdaman niya. Ngunit ano pa ba ang gagawin niya?
Paano niya iiyak ang nawalang pag-ibig kung ang noon ay iniyakan na niya?
Sa sumunod na pagsundo ni Gamal sa anak, humingi ng pahintulot
si Gamal na kausapin siya. Dati rati hinihindian niya ngunit siya'y nagpaunlak
ulit.
Gamal: Salamat. Gusto ko lang sanang
imbitahin kita sa ....
Minda: kasal....
Gamal: Ah oo yamang ring bearer naman
si Arman natin.
Minda: Ay naku Gamal kayo na lang. At
kung sa tingin mo magagamit mo ang kasal na ito para masaktan ako lalo,
nagkakamali ka.
Gamal: Hindi naman sa ....
Binawi na kaagad ni Minda ang sasabihin ni Gamal at
sinabihan silang mabuti pang tumuloy na sila. Walang nagawa si Gamal kundi
magpasalamat at umalis na lang kasama ang anak at yaya. Sa loob ng sasakyan,
tinanong ni Gamal si Inday kung me naikuwento siya kay Minda na ikinaiinis
niya.
Inday: Ay naku kuya naikuwento ko lang
naman yung tungkol sa kasal ninyo ni Ate Simang.
Gamal: Kasal namin ni Simang?
Muntik ng nabulunan at mapatawa si Gamal ngunit kinontrol
niya sarili niya. Minabuting hindi niya sabihin ang katotohanan kay Inday at
baka makatulong pa itong magpatunay sa nasa isipan niya. Naging abala siya sa
paghahanda sa kasalan ngunit bago ang araw ng kasal nakipagkita siyang ulit kay Minda na kung puwede ay dumalo naman siya sa kasal. Bagamat hindi nagpaunlak si
Minda sinabi na lang niyang pipilitin niyang pumunta. Sinabi ni Gamal ang lugar
at oras ng kasal dahil nakalimutan daw niya ang imbitasyon sa bahay. Ibibigay
na lang daw niya ito kay Inday.
Sa araw ng kasal, hindi mapakali ang Minda, nag-iisip
kung siya ba'y dadalo sa kasalan. Nakita ni Inang Unding ang nangyayari sa
kanya at nagbigay ito ng payo na kung nasa puso pa niya ang lalake pumunta siya
upang lubos-lubusan na niya itong pakawalan. Ganon na nga ang naging desisyon
ni Minda. Dumalo sa kasal para lubusang ng pawalan ang mga demonyong
nagpapabigat sa kanyang dibdib.
Patapos na ang misa at seremonyas ng kasal noong dumating
siya. Alanganin siyang pumasok sa simbahan. Nakaabang naman sa may pintuan ng
simbahan si Gamal at kitang-kita niyang nangingilid na ng luha si Minda.
Unti-unting naglakad papasok ng simbahan si Minda. Inokupahan niya ang
pinakahuling upuan na malayo sa altar. Walang imik siyang lumuha ng buong pait.
Nag-isip siya ng mabuti at nagdesisyon siyang lumabas ng simbahan. Hindi niya
alam na lahat ng galaw niya ay minamatyagan siya ni Gamal. Sumunod si Gamal kay Minda sa labas at ....
Gamal: Aalis ka na ba?
Napatigil si Minda sa kanyang paglayo. Napatango na lang
siya sa tanong.
Gamal: Masyado bang masakit na makita
ang mahal mo na mapapakasal sa ibang babae?
Noong narinig ni Minda ang tanong ba yun, lalo pa siyang
lumuha at ng umikot siya para sagutin ang kausap niya ay nagulantang siya .
Minda: Ikaw?
Gamal: Oo bakit? Sino ba sa akala mo?
Minda: Di ba ikaw ang ikinasal?
Gamal: Kung ako ba yun, bakit ako naririto sa labas?
Hindi makasagot si Minda at nilapitan na siya ng tuluyan
ni Gamal. Hinawakan niya ito sa balikat ng una at tuluyang niyakap si Minda na
hindi na nagpakita ng paglaban. Habang yakap-yakap ni Gamal ito ay
sinasabi niyang:
Gamal: Aminin mo na kasi na mahal mo
pa rin ako.
Itinulak ni Minda si Gamal sa pagkayakap sa kanya.
Tinitigan ito ng mabuti at nagsalita.
Minda: Sige papayag ako kung makakaya mong maghanda ng
limang kalabaw, limang baka at dalawampung baboy!
Nagulantang noong una si Gamal ngunit noong napagtanto
niya ang ibig sabihin ni Minda ay malakas na sumigaw sa tuwa. Niyakap si Minda
at pataas na ipinagbunyi. Sa hindi pagkakaalam ni Minda ang lahat ng ito
ay naitatala. Nagbakasakali ng malaki itong si Gamal na magigiging positibo ang
plano niya. Nagulat na lang si Minda ng biglang naglaglagan ang mga confetti.
Nagulat pa siya lalo ng nagmungkahi si Gamal na sila'y pakasal na rin.
Naglabasan na sina Inang Unding, Inday , Samal at Simang sa patio ng simbahan.
Nagulat si Minda sa sorpresang ginawa sa kanya. Walang puwang na kasiyahan at
ligaya ang nangyari sa kanya.
Dahil sa mala-dramang panukala ni Gamal, nailagay ito sa
social media at nagkainteresado ang mga TV station. Ang tradisyonal na kasal ng
mga Basksg ay siyang tampok sa isang na programa sa TV. Isang araw bago
sinimulan ang Kristiyanong kasal ng dalawa, nagkaroon ng ritwal ng kasal sa
kanilang tribu na dinaluhan ng mga kamag-anak ng partidos. Sa araw ng ritwal,
nakagayak pangkatutubo ang dalawa. Nagkatay sila ng baboy at tiningnan ang
lamang loob kung ito'y sadyang malinis at nag-alay ng dasal para sa isang
maluwalhating pagsasama. Sa araw ng kasal sa simbahan, isang damit pangkasal na
gawa ng sikat na designer na si Carlo Montefalcon. Ito ay kumuha ng inspirasyon
sa damit katutubo at Pambansang kasuotan. Napakakisig ni Gamal sa kanyang
kasuotang pang-gala sa military. Pagkatapos ng kasal ay ang kasiyahan ng
pagtanggap sa bagong kasal na dinaluhan ng lahat pati imbitadong bisita. Nagkaroon
ng kasiyahan na may kantahang at sayawang katutubo. Doon ginamit ang limang
kalabaw, limang baka at dalawampung baboy.
Maliban sa tuwa ng magsing-irog, higit ang tuwa ng lahat
dahil ang itinakda ay naitakda na rin.
Pahayag: Ang mga larawan ay hindi akin. Ginamit ko sila para ipakita ang kagandahan ng kuwento. Kung me nalabag man ako sa paggamit ng mga larawan, pakisulatan ang me akda at aalisin namin ang mga ito, Salamat
Halatang iginiya mo ang kuwento sa isang masayang wakas. Ngunit ang pakiramdam ko ay tunay na hugot ang nilalaman ng kuwento at isang malungkot na katapusan ang nilalaman ng kuwento mo sa tunay na buhay. Nakikinikinita ko na ikinasal si Gamal sa iba ngunit gusto lamang ni Minda na panatilihin ang masasayang alaala ng nakalipas kaya ang kinahinatnan ng kuwento ay masayang wakas. Shalom!
TumugonBurahinHello doki! Sinetch itey? Jinujunap ka nang mga ombay mo ditilds ever. Regards. Gandaretch mo talaga magjulaers!
TumugonBurahin